PANANALASA NG BAGYONG ONDOY
Isang dilubyong maituturing ang paghagupit ng Bagyong Ondoy ditto sa Pilipinas sa dami ng pinsalang idinulot nito. Iba ito sa mga nagdaang bagyo dito sa ating bansa. Walang sinasanto talaga pagdating ng ganitong trahedya at kalamidad. Mayaman ka man o mahirap apektado ka.
Lahat ng tao’y nabahala at nagulantang ng Bagyong Ondoy. Ginising nito ang natutulog nating kamalayan na di natin akalaing ganung katindi ang pinsalang idudulot nito.
Maraming ari-arian ang nasira at nawala. Mga tirahan, palayan, mga ikinabubuhay at maging pati buhay ay di pinatawad ni Ondoy.
Marami sa mga Pilipinong naapektuhan ay nakaaawang tingnan na parang dukha na lalo pang naging dukha sa di maipaliwanag na kalagayan. Siksikan sa mga paaralang ginawang likasan ng mga naapektuhan.
Marami ang mga nagutom, nagkasakit at humantong sa pagkamatay ng iba. Ang iba ay sa kasagsagan na ng bagyo inabutan ng pagsisilang ng kanilang supling.
Tumangis ang mga Pilipino ng maranasan nilang ang natural na trahedya na sumira ng maraming kabahayan at nagwasak sa katanyagan ng bansang ito na labanan ang anumang trahedya. Nagulantang ang pamahalaan ng Pilipinas sa bagsik ng kalikasan. Upang panatilihin ang matsong imahe ng bansang ito ay sinisi nila ang pagbabago ng panahon, na kung bakit nila naranasan ang malaking pinsala dulot ng bagyong Ondoy.
Ang naganap na baha sa kamaynilaan dulot ng Bagyong Ondoy ay hindi na bago sa ating paningin. Madalas natin itong mapanood sa telebisyon sa tuwing mananalanta ang bagyo sa kabisayaan at ibang bansa.
Subalit, ang maranasan ito ay higit na nakakapangilabot. At parang binangungot ng gising ang mga tao sa lungsod. Mapapaiyak ka na lang pag nakita mo ang ganitong sitwasyon ng kanilang buhay. Ngunit kailangan din nating magpasalamat dahil tayo’y di naapektuhan.
Makikita naman natin ang kanilang hinagpis at hirap sa pagsuong sa ganitong trahedya. Umpos tao na ang baha at ang mga tao’y nasa taas na ng kanilang bubungan. Ang iba pa sa kanila ay nawawalan ng mga mahal sa buhay.
Ngunit kahanga-hanga pa din tayong mga Pilipino dahil kahit sa panahon ng sakuna, sama-sama ang bawat isa sa pagtutulungan. Ang iba,y ibinuwis ang kanilang buhay matulungan lang ang mga nangangailangan.
Iba talaga ang Pinoy! Marami sa ating mga kababayan ang nagpadala ng kanilang mga tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Di nila inalintana ang kanilang gugugulin basta para sa kanila ay makatulong sa kapwa nila Pilipino.
Sa pinagsama-samang tulong ng mga Pilipino, maraming tao ang natulungan at nabigyan ng pag-asang makaahon sa pinsalang naranasan.
Hindi ba tayo nagtatanong sa ating sarili kung bakit nangyayari sa atin ang ganitong trahedya? Di ba tayo nababahalang baka isang araw mabura na ang Pilipinas sa mapa ng mundo?
Marahil ito na ang ganti n gating inang kalikasan. Unti- unti na nitong pinadadama sa atin ang abusing ginawa natin sa kanila. Ang pagsira natin sa kaayusan n gating kalikasan. Marahil ito na nga iyon.
Mga illegal na pagpuputol ng mga puno ng mga tao. Mga iresponsableng taong nagtatapon ng basura kahit saan. Sobrang paghithit at pagtangkilik ng sigarilyo at iba pang nakasisira sa ating kalikasan. Hindi natin alam na ang lahat ng kapinsalaang ginawa natin sa ating inang kalikasan ay babalik sa atin.
Ang suliraning ito ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Ito ay responsibilidad ng bawat mamamayan ng bansa. Isang responsibilidad sa ilalim ng kulturang bayanihan. Ang ating pagiging mulat, sensitibo at partisipasyon sa mga makalikasang programa ay makakatulong upang maging handa ang bawat isa sa ganitong sitwasyon.
Maging aral sa atin ang dilubyong ito. Baka dahil sa ating kapabayaan ay marami pang buhay ang mawala. At baling araw baka ang Pilipinas ay mabura na sa mapa ng mundo. Maging mapanuri tayo! Itanong natin sa ating sarili kung bakit nangyayari ang mga ito.
Sama-sama muli tayong babangon hanggang sa matanaw muli natin ang liwanag ng buhay. Ang pag-asang hinahangad nating lahat. Sumulong tayo at magpakatatag! Huwag nating hayaang magsisi tayo sa huli. Wala tayong dapat sisihin sa pangyayaring ito sa ating buhay. Bagkus sama-sama tayong magtulungan tungo sa panibagong bukas na darating pa sa ating buhay. Sa maykapal natin ilagak an gating tiwala, dahil walang iba tayong malalapitan kundi siya. Siya ang may kakayahan para matulungan tayo at higit sa lahat nagbibigay ng lakas ng loob sa bawat paglakad natin sa magulong mundong ating ginagalawan. Magpakatatag tayo! Wag nating hayaang panghinaan tayo ng loob dahil di natin matutulungan ang ating sarili na umahon sa pinagdaanan nating ito. Walang ibang tutulong sa ating sarili kundi tayo mismo.
No comments:
Post a Comment